Monday, October 10, 2011

Bulag,pipi,at bingi


Likas sa bansang Pilipinas ang pagtaas ng bilang ng mga “bulag”,” pipi”, at “bingi”. Saanmang sulok ng bansa ay matatagpuan natin ang mga naturingang bulag, pipi, at bingi dahil  karamihan sa kanila ay ang mga makapangyarihan na may kakayahang magliwaliw saalinmang panig ng mundo. Ang iba naman ay yaong mga taong sapat na sa ligayang nakakamit para sa kanilang sarili. Dagdag pa rito ay yung mga taong malakas ang paniniwala na may gagawa para sa kanilang pag-unlad. Ang ating pamantasan ay nabibilang sa mga lugar na may mataas na bilang ng mga bulag, pipi, at bingi (paulit-ulit upang mabigyang diin). Kung iisipin ay kahabag-habag ang mga taong tulad nila dahil sa ipinagkait sa kanila ang buhay na matuwid, maliwanag, at maingay. Gayunpaman, may mga mulat sa katotohanan na patuloy na nagnanais na baguhin ang takbo, sistema, at kalagayan ng kanilang buhay.
Katulad ko, karamihan (halos lahat) sa may mga kapintasan dito sa unibersidad ay mga mag-aaral, mga mag-aaral na tulad ko noon ay bulag sa mga pangyayari, bingi sa katotohanan, at pipi sa karapatan. Bakit ba kasi naging mag-aaral pa tayo kong ang magiging papel natin sa pamantasang ito ay ang maging sunod-sunuran sa sasabihin ng ating mga guro na minsan ay hindi naman natin sinasang-ayunan, ang mag-tengang kawali sa bawat salitang binibitiwan ng mga hamak na makasarili at makikitid ang utak, ang mag-bulag-bulagan sa mga pang-aapi ng mga makapangyarihan sa tulad nating pinagkaitan ng lakas para lumaban?
Bilang estudyante sa pamantasang ito, ang ating layunin ay hindi lamang basta mag-aral at makakuha ng mataas na marka upang maipagmalaki sa mga taong umaasa sa ating mabuting kinabukasan. Sa halip, kailangan nating idilat ang ating mga mata sa mga maling bagay na kung saan ay naaapakan na ang ating mga karapatan, kailangan nating buksan ang ating tenga sa bawat salitang lumalabas sa mga taong ang tanging hangad lang ay pansariling kaunlaran, kailangan nating magsalita para sa kapakanan ng nakararami. Samakatuwid, higit na kaaya-aya kung ang mga mag-aaral ay may pakialam sa mundong kanyang ginagalawan, na ang hangad ay ang  maging isang produktibong mamamayan para sa kanyang lipunan.
Hindi pa naman huli ang lahat para tayo ay kumilos, dahil alam kong mamumulat, makikinig, at tatayo tayo upang magsalita para sa ating karapatan. Mamumulat, makikinig, at tatayo tayo para sa ating kapakanan, upang maipahayag ang ating saloobin sa mga taong may kakayahan na linangin ang ating pagkabulag, pagkapipi, at pagkabingi. 

No comments:

Post a Comment