Monday, October 10, 2011

Yosi


Bakit kaya ang daming nagyoyosi, samantalang alam naman nilang nakakasama ito sa kalusugan at higit pa, ito ay pagsasayang lamang ng pera? Ito ang tanong na mula pagkabata ko pa’y matagal ko nang hinahanapan ng kasagutan. Ito ang mga tanong na paulit-ulit na nanunumbalik sa aking isipan sa tuwing may nakikita akong humihithit at bumubuga ng yosi. Hindi ba nila naiintindihan ang mga titik na nakalimbag sa bawat pakete ng sigarilyo? CIGARETTE SMOKING IS DANGEROUS TO YOUR HEALTH. Kung nakakasama ito sa kalusugan ng tao, bakit patuloy pang ibinibenta at hindi man lang magawang pigilan ng gobyerno? Dahil ba sa malaki ang tulong nito sa ekonomiya ng Pilipinas?
      Bata pa ako noon mulat na ako sa usok na dala ng aking ama dahil sa palagiang paghithit at pagbuga ng yosi. Tuwing umaga, habang nanunuod ng balita sa telebisyon, bago at matapos kumain sa pananghalian, bago maghapunan, sa merienda, bago at pagkatapos ng hapunan, habang nanunuod ng teleserye at balita sa telebisyon, ito ang nagsisilbing kasama niya sa araw-araw. Kahit man lang inuubo na siya ay patuloy pa rin siya sa pakikipaglaro sa usok nito. Bakit nga ba ganun nalang ang naging epekto ng yosi sa buhay ng aking ama? Minsan pa’y naisip ko ring magyosi para maintindihan ko ang mga taong tulad nila, na naging parte na ng kanilang sistema ang magpaalipin sa usok ng sigarilyo.
      Marahil ang yosi ay kaibigan ng bawat naninigarilyo, dahil sa yosi ay pilit na napapagaan ang mabigat na pakiramdam ng isang taong poot, galit at lungkot ang naghahari sa kanya. O di kaya’y ito ay isang simbolo ng kalayaan ng bawat mamamayan dahil sa walang humpay na kagustuhan ng bawat isa na bumalikwas. Lahat ng bawal masarap, sabi pa. Kung kaya’t ‘ni isa man sa atin ay walang karapatan para husgahan ang bawat naninigarilyo. Hindi natin alam ang mga dahilan kung bakit patuloy nila itong ginagawa. Malay natin, dahil sa pagyoyosi ay naiibsan ang bawat problema nila.
     Sabi pa ng iba ang paninigarilyo raw ay ang “great equalizer.” Ngunit tagibang pa rin naman ang istruktura ng lipunan pagdating sa paninigarilyo. Mas high class ang hinihithit ng mga mayayaman kaysa sa mga mahihirap na sektor ng lipunan. Kamakailan nga ay ipinagbawal na ang paghihithit sa mga pampublikong lugar kasama na rito ang mga parke’t plaza, waiting sheds, The Pillar office at iba pa. Naging tampok ding usapin matapos nito ang paninigarilyo ni Pnoy dahil nga nakatira na s’ya ngayon sa MalacaƱang na isa ring pampublikong lugar. Naisama na ang usaping seguridad ni Pnoy. Ngunit ayon pa ay Prop. Michael Andrada, hindi ito lamang usapin tungkol sa argumento kung nararapat nga bang magyosi si Pnoy o hindi, ngunit usapin ito ng politikal na paninindigan n’ya bilang lider ng bansa. Ipinagbawal nga ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ngunit nananatiling walang pangil ang gobyerno sa mga kompanya ng tabako. Nananatili ang walang habas na patalastas hinggil sa paghihithit sa telebisyon, radyo at maging sa mga tomahan na isinasama pa sa mga larawan nag mga hubad na kababaihan.
      Madalas ngang ginagawang imahe ng isang nagyoyosi ay mga tambay sa kanto o yung mga taong tila wala na talagang pag-asang makaahon sa buhay. Ngunit may mga kaibigan rin naman akong nagyoyosi na minsan pa nga ay sila pa ang nangunguna sa klase. Mga kaibigan ko rin ang pilit na nag-aalok sa akin ng yosi, ngunit pilit ko rin itong tinatanggihan. Pero alam ko na sa bawat alok na aking tinatanggihan ay alam kong may maraming istorya ang nakatago na magpapaliwanag kung bakit may mga katulad nila.¶

No comments:

Post a Comment