Monday, October 10, 2011

Watawat ng Pag-ibig


Kaakibat ng paglapat ng tinta sa malaking espasyong ito ay ang pagtulo ng aking luha sa maliit kong pisngi. Ang bawat litrang inililimbag ay may diing kataga na nagsasabing ‘AYOKO NA’. Sa bawat tuldok,koma at iba pang pananda ay munting bumubulong na wag diinan at tuldokan ang tanging nasimulan.
Sa loob ng siyam na buwan na pag gawa ng isang kuwento ng aking buhay ay marami akong napagtanto,naisip,nabago at naitama. Gaya nalamang ng pagiging isa kong tunay na iskolar ng bayan, Isa ka, isa kayo sa mga taong humubog sa aking katauhan. Ginampanan mo karl ang pagiging isang mabisang guro sa tulad kong musmus, tulog at manhid na mag-aaral.
Higit akong nasisiyahan na ikaw ang taong gumuhit at nagkulay sa malungkot at walang direksyong buhay ng isang tulad kong mag-aaral. Oras, responsabilidad, masa ang iilan kong kalaban sa pagbawi ng iyong natatanging tingin, sulyap at kindat.
Pagkabata ko’y inilubog,maiangat lang ang aking pagtanda. Sa piling mo ako’y lumigaya at nag ligalig. Pero bakit? Bakit? Ako ba’y nagkasala? Tulad ng mga paslit sa lansangan, hinahanap ko ang aking sarili, hinahanap ko ang tunay na kukupkup at mag aalaga sa akin, ang tunay na aakap at buong puso akong ikukulong sa maligaya,maaliwalas at matahimik na mundo ng pagmamahal.
Ikaw, oo, ikaw ang tanging may alam kong bakit kaya ko nang tumindig at makibaka kasama ang mga uhaw at gutom sa masarap na buhay. Ikaw ang tanging pumuno sa istorya nang aking buhay na kelan man ay hindi mabubura.
Tulad ng isang watawat, kelan man ay hindi kita malilimutan, patuloy kamang hipan ng hangin, walang katapusan kamang sunod-sunuran sa direksyon ng hangin, hihinto’t hihinto ako’t titingalain ka.

No comments:

Post a Comment